Mga Sinampay Na Alaala

pinoytransplant's avatarPosted by

Noong isang araw ay nagsampay ako ng aming nilabhan. Bago ninyo isipin na mayroon kaming mahabang kurdon ng sampayan na nakabilad sa ilalim ng araw, ay hindi ito gayon.

Ang aming sampayan dito sa Iowa ay isang munting clothes rack na nasa sunroom, at ang aming isinasabit dito ay ang mga maseselang damit lamang na ayaw naming isalang sa dryer para hindi maluma o masira agad (photo below).

Sumagi sa aking isipan ang aming sampayan sa bahay namin doon sa Sampaloc, Manila. Ito’y mga alaalang nakababad pa rin sa aking utak, at matingkad pa rin ang kulay na parang bagong kula.

Ang aming sampayan sa Sampaloc ay linya ng alambre na tumatakbo sa kahabaan ng garahe sa loob ng aming bakuran. Kahit maiksi lang ito ay marami kaming naisasampay dito. Masasaksihan dito ang aming naglalambitin na bagong labang damit na amoy Perla, habang sila’y sumasayaw-sayaw sa ritmo ng ihip ng hangin, at hinahalikan naman ng init ng araw.

Ang istorya raw ng ating buhay ay mababakas sa ating sampayan.

Mula lampin, mga damit na pambata, uniporme sa eskwelahan, hanggang sa damit na pang-trabaho ay ating itinatanghal sa ating sampayan. Siguro nga hanggang sa barong, o traje de boda na pinangkasal ay pinarampa natin sa ating sampayan. Basta huwag lang ‘yung barong na may biyak sa likod, o damit pamburol ang ating ipaparada sa ating sampayan.

Kapag medyo taghirap sa buhay, kahit ang damit ay may butas o punit na, o kahit kupas na, ay gamit-gamit at nakabandera pa rin sa ating sampayan. Kapag naman medyo nakakaangat na sa buhay, o dahil may kamag-anak na nakapag-abroad o naging seaman, ay state-side o imported na ang mga damit na ating winawagayway. Minsan nga kahit rubber shoes na uwi ni kuya mula Saudi, kapag ating nilabhan ay ating ipinapasikat sa ating sampayan. Ingat lang at baka masungkit.

May mga labada tayo na matagal matuyo, tulad ng maong, sweater, o makapal na kumot, na kulang ang isang araw para isampay. Meron namang mga madaling matuyo, tulad ng t-shirt, shorts, at underwear, na konting oras lang ay pwede nang itabi. Pwera na lang kung pinapakula pa natin ang mga ito, kaya medyo mahaba-haba ang proseso. Iyong iba nga inaalmirol pa ang damit. Pati kansulsilyo!

Meron naman tayong mga damit na kahit hindi madaling matuyo ay sapilitan nating papatuyuin agad. Tulad ng mga uniporme na pampasok, lalo na kung isa o dalawa lang piraso ang ating uniporme. Kaya pagkahubad na pagkahubad ay madaliang lublob-kusot-banlaw, at tapos sampay. Kung hindi pa tuyo pagkalipas ng ilang oras, ay papaliparin na sa harap ng bentilador, o kaya’y pasasagasaan sa plantsa.

Sigurado akong kung may sampayan kayo ay minsa’y narinig mong sumigaw ang iyong nanay nang biglang bumuhos ang ulan: “Totoy! Ang mga sinampay!”

Madalas ay kahit hindi pa tuyo ang sinampay ay ibinababa na namin ang mga ito bago magtakipsilim. Isa sa mga ayaw kung amoy ay ang amoy ng basang damit na nakulob dahil hindi lubusang natuyo. Subalit maliban sa hamog at ulan, hindi namin iniiwan ang aming mga sinampay na nakatiwangwang sa gabi dahil baka sungkitin ng mga taong maiitim ang budhi. Aking aaminin na kami ay nasungkitan rin ng mga sinampay. Dapat ay pinapakula ang mga taong ganito para pumuti ang kanilang budhi!

Noong ako’y musmos pa, kami ay naglalaro sa ilalim ng aming sampayan. Doon tumatakbo-takbo at naghahabulan kami ng kapatid kong bunso. Doon din kami nagtataguan sa mga pagitan ng sinampay lalo na kung mahahaba ito tulad ng kumot at kobre-kama. Kung minsan kami ay mapapagalitan dahil nahahatak namin, o kaya’y nababahiran ng aming madudungis na kamay ang mabababang nakasampay.

Hindi kalaunan ay mga uniporme ko na sa eskwelahan, ang nakabunyag sa aming sampayan. Nagsimula sa shorts, hanggang sa naging pantalon. Paglipas pa ng panahon, sa aking pagtungtong ng kolehiyo, ay puro puti na ang kulay ng aking unipormeng nakasampay.

Minsan noong ako ay nasa unibersidad na, ako ay gumanap bilang Padre Damaso sa isang munting dula na hango sa Noli Me Tangere. Humiram ako ng abito ng pari (cassock) mula sa aking kaklaseng may kapatid na seminarista. Dahil ayaw ko namang isoli ng marumi ang abito, kaya’t ito ay aming nilabhan at inilambitin sa aming sampayan. Napatunganga ang tiyuhin kong nakatira sa silong ng aming bahay nang tumambad sa kanya ang abitong nakasampay. Napaakyat itong bigla at tinanong ang aking nanay kung nagpapari na raw ba ako at hindi na magduduktor.

Dumaan pa ang mga taon at ako ay may niligawan nang magandang binibini. Sila ay nakatira rin sa Sampaloc, malapit sa may Espanya. Sa likod ng kanilang apartment ay kung saan kami lumalagi, at doon ay magkaulayaw sa ilalim ng sampayan at ng buwan. Dito rin namin sinampay ang aming mga panukala sa buhay.

Isang araw, dumating ang panahon na natupad rin ang aking pangarap. Ako ay tumulak na patungong Amerika. Mula noon ay hindi na nasilayan ang aking damit sa aming sampayan. Kahit aking bakas ay naglaho na rin.

Namiss kaya ako ng aming sampayan?

Hindi nagtagal ay nakasunod naman sa akin ang magandang binibining nakatira sa may Espanya. Nagkaroon na rin kami ng munting sampayan sa Amerika. Ilang pagpapalit pa ng kalendaryo ay nagsabit na rin kami ng mga lampin sa aming sampayan.

Sa hindi hinahangad na pangyayari ay naibenta ang aming bahay sa Sampaloc. Ito’y aking tunay na ikinalungkot dahil wala na akong babalikan pang tahanan sa Maynila.

Subalit pagkatapos ng dalawampung taon mula nang ako’y unang lumisan papuntang Amerika, ay aking pinangahasang dalawing muli ang aming tahanan sa Sampaloc. Alam kong hindi na namin pag-aari ito. Alam kong ibang tao na ang mga naninirahan dito. At alam kong wala na akong karapatang pasukin pa ulit ito. Ngunit aking lang hangad, na kahit sandali, ay muli kong masilayan ang bahay na aking kinamulatan.

At habang ako ay bumabaybay sa dati naming kalye, ay patindi nang patindi ang aking pananabik. At sa bawat hakbang na ako’y palapit nang papalapit sa dating tahanan, ay palakas din nang palakas ang kabog sa aking dibdib.

Laking gulat ko nang bumungad na ang aming bahay…….

Kumaway-kaway sa akin ang mga nakalambaras na sinampay! Hindi lang sa ibaba ng bahay kundi pati hanggang sa veranda ay naging sampayan (photo above).

At kahit alam kong hindi na sa amin ang mga sinampay, ay nalublob pa rin sa kaligayahan ang aking puso, dahil aking nakitang muli ang dating tahanan.

2 comments


  1. Napakaganda po ng inyong kuwento. Higit sa lahat, malalim kahit “sinampay” lamang. Totoo po iyong sinabi ninyo, kapag dumilim at pumatak ang ulan, alam na this! Gumamit din po kayo ng sipit tiyak ko…

    Natawa po ako Doc kasi gumanap din akong prayle sa dula namin sa UST, Walang Sugat. 

    Hanggang sa muli… na paglalaba at pagsasampay!

Leave a Reply