Mamang Hilot

Kasama sa hibla ng kultura at tradisyon nating mga Pilipino ay ang pagpapatingin sa mga manghihilot at albularyo. Sa katunayan, lalo na sa mga probinsiya at maliliit na barrio, ay maaaring mas marami pang mga tao ang natutulungan ng mga ito kaysa sa isang duktor.

Noong isang araw habang ako’y nakikinig sa live stream ng AFP (Armed Forces of the Philippines) radio mula sa Pilipinas, ay tinalakay ang tungkol sa mga alternatibong manggagamot sa Pilipinas. Kanilang ipinamamalita ang tungkol sa alyansa ng mga hilot at albularyo ng Pilipinas. Sangayon sa alyansa, sila ay nagbibigay ng pagtuturo at pagsasanay, para maging isang mahusay na hilot o albularyo. Lalong dadami ang kumpetisyon ni Mang Kepweng.

Naalala ko tuloy ang matandang hilot sa aming lugar, noong ako’y bata pa.

mga kamay ng hilot

Hindi ko alam ang kanyang tunay na pangalan, ngunit tinatawag lang namin siyang Mamang Hilot. Hindi ko rin alam kung paano namin siya natuklasan, pero kilala siya ng marami sa aming lugar, kaya maaring sa pamamagitan ng salin sabi o mga rekomendasyon ng aming mga kapitbahay.

Siya ay may katandaan na, at maaring siya ay nasa sesenta anyos na. Malamang siya ay walang pormal na pagsasanay, kundi sa pamamagitan lamang ng mahabang eksperyensiya. Maari rin naman na siya ay sinanay at tinuruan ng kanyang mga magulang o mga ninuno. Kadalasan kasi, ang kaalaman ng panghihilot ay ipinamamana ng mga nakatatanda sa kanilang mga anak.

Maraming beses din naming tinatawag si Mamang Hilot noon sa aming tahanan. Tulad ng matapilok ang aking kapatid at namaga ang kanyang bukong-bukong. Natatawag din siya sa mga simpleng kirot o pilay. May ilang beses ding nahagod ng hilot ang aking likod, dahil madalas akong napipilay sabi ng aking nanay, dahil sa aking kalikutan. Minsan pa nga pati sa mga linalagnat, sinisipon o inuubo ay natatawag din ang matandang hilot. Hindi ko lang alam kung tumutugon din siya sa pagpapa-anak.

Ang hilot ay gumagamit ng “chiropractic” na manipulasyon at husay sa pagmamasahe. Tunay na may siyensiya naman na sumusuporta sa sining ng panghihilot. Ang kanyang mapagpagaling na kamay ay nakakapawi ng sakit ng katawan, pangangalay, pilay, naipit na ugat, at nagbibigay ginhawa sa kumikirot at pagod na kalamnan. At ang instrumento lang niyang gamit ay langis ng niyog, at ang malalakas niyang kamay.

Hindi mayaman si Mamang Hilot. Kahit pa mayroon siyang angking galing sa pag-gagamot, at kahit marami siyang napagsisilbihan, ay hindi niya ginamit iyon sa pagpapayaman. Marahil maliit lamang sumingil ang matandang hilot. O marahil, kadalasan pa ay libre ang kanyang serbisyo. Hindi ko lang alam kung tumatangap siya ng itlog o sisiw bilang bayad. Ngunit dahil kami ay naninirahan sa siyudad, malamang walang ring mga alagang manok ang aming mga kapitbahay, maliban sa mga ilan-ilan na tandang na pang-sabong.

Kapag kailangan namin ang matandang hilot, ay susunduin ko siya sa kanilang bahay. Siya ay nakatira sa tabi-tabing maliliit na bahay-bahay na nakatungtong sa sapa na nasa dulo ng lupang kalsada. Ang mga bahay doon ay nakalutang sa ibabaw ng tubig sa pamamagitan ng mga tungkod na poste (stilts). Tumutulay ako sa mga pinagdugtong-dugtong na tablang kahoy, na ang ilalim ay itim na tubig at mga kangkungan, para makarating sa kanilang bahay.

Dito rin sa mga tulay-tulay na ito, kung saan, masaklap mang aminin, ay minsan akong nahulog. Naghahabulan yata kami ng aking kaklase nuong Kinder, nang ako ay mawalan ng panimbang. Buti na lang at hindi ako tuluyang tumambog sa tubig, ngunit napuno ng putik at burak ang aking isang kamay hanggang balikat. Hindi hilot ang kinailangan ko, kundi paligo, at pingot ng aking nanay. Mabuti naman at hindi ako nabansagang Nardong Putik ng aking mga kaklase.

Isang araw, ako ay naglalaro sa silong ng aming bahay. Lumukso ako na ala-Spiderman. Ngunit napasama ang aking bagsak. Sa aking paglagpak ay naitinukod ko ang aking braso. Ako ay napilay! Mabilis na pinatawag si Mamang Hilot, at dali-dali naman siyang dumating. Ngunit nang makita niyang hindi na diretso at komang na ang aking braso, ay hindi niya ito ginalaw. Sabi niya ang kailangan ko’y Orthopedic at hindi hilot. Alam din ng matanda ang kanyang limitasyon.

Dinala ako sa Orthopedic Hospital ng Maynila. Doon itinuwid, isinauli ang na-dislocate kong siko, at sinemento ang aking braso. Anim na linggo ring nakasimento at nakasukbit sa aking leeg ang aking kanang braso. Natuto tuloy akong magsulat sa kaliwang kamay. Tinawag akong “Komang”der na aking mga kaibigan. Magpipitong gulang ako noon.

Iyon na ang huling alaala ko kay Mamang Hilot. Dahil hindi nag-tagal, sa isang proyekto ng lungsod ng Maynila, ay pinatabunan ang sapa. Sinementado, pinalawak, at ginawang lagus-lagusan ang kalye kung saan nakatira ang matandang hilot. Ipinagiba din ang mga dikit-dikit na bahay na nasa ibabaw ng sapa. At lahat ng mga naninirahan doon ay ipina-relocate ng gobyerno sa mas malaking sapa….doon sa Sapang Palay.

Nasaan na kaya ngayon si Mamang Hilot? Buhay pa kaya siya? Naisalin kaya niya sa iba ang kanyang galing at husay sa paghihilot? Naipamana kaya niya sa kanyang mga anak ang kanyang kaalaman sa panggagamot?

Hindi ko alam kung ilan pang mga matatanda o mga batang katulad ko ang napaglapagan ng kanyang mga kamay. Ngunit nakatitiyak akong marami siyang natulungan, napaginhawa, at napagaling.

Nais ko lang sanang ipahatid, na isa sa mga batang hinilot niya noon, ay isa na ring manggagamot ngayon.