Limang taon na pala nang aking kathain ang artikulong “Ebolusyon ng Wika” sa blog site na ito. Marami na rin naman ang sumilip dito. Ngayon, dahil may panibagong interes sa ating katutubong wika kaya naingganyo akong isulat ang sunod na akdang ito.
Ang popularidad ng bagong Meyor o Yorme ng lungsod ng Maynila na may makulay na pananalita ang dahilan kung bakit may ibayong taginting sa ating wikang Pilipino.

Siguro naman ay nakakasakay na kayo sa mga katagang binibitiwan ni Yorme Isko Moreno. Bukang bibig niya ang mga terminong etneb (bente), posam (sampu), takwarents (kwarenta), kodli (likod), gedli (gilid), wakali (kaliwa) at nanka (kanan). Ito’y mga salitang baliktad o kaya’y tadbalik.
Dahil sa lumaki ako sa panahong nauso ang mga salitang kalyeng ito, kaya’t parang masarap muling mapakinggan ang mga katagang ito. Para bagang pagbabalik tanaw na rin sa lumipas na kahapon.
Aaminin ko, hindi po ako mahilig magsalita ng pabaliktad. Siguro dahil sa taga-Bulakan ang aking lahi, mga dugong Balagtas at makakata, kaya’t medyo “purist” o dalisay kaming mag-Tagalog. Hindi naman ibig sabihin ay nag-babalagtasan kaming magsalita sa aming tahanan.
Ngunit sa aba ko, sawing kapalaran,
Ano pang halaga ng gayong suyuan,
Kung ang sing-ibig ko’y sa katahimikan,
Ay humilig na sa ibang kandungan.
(hugot mula sa Florante at Laura ni Francisco Balagtas)
Naiintindihan ko naman po ang mga salitang pabaliktad. Lalo na kapag nasa kalye ako, kagaya nang kapag kami ay nagbabasketball sa kalsada, mariringan ko ang mga kalaro ko na nagbibigay ng direksiyon pagnaglalaro: “Sa wakali mo, sa wakali mo!”
Pero dehins ako magiging tapat kung sasabihin kong hindi ako kailan man nangusap ng salitang kalye. Dahil minsan isang panahon ay naisama rin naman sa aking bokabularyo ang mga salitang ermat, erpat, tsekot, lespu, goli at olats.
Use olats and goli in a sentence: Olats ako sa kagwapuhan ni Richard Gomez, pero tatlong goli lang ang lamang niya.
Sinasambit din naming madalas noon ang salitang tomgu (gutom) o “Tom Jones.” Example: “Pards may makakain ba tayo diyan, kasi Tom Jones na Tom Jones na ako.” Hindi ko po ikakaila, miyembro po ako noon ng isang frat – farating gutom.
Bakit ba mahilig magsalita ng pabaliktad ang mga Pilipino? Meron pa ngang libro na inilathala si Bob Ong na ang pamagat ay “Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino.” Baliktad ba talaga ang takbo ng utak nating Pilipino?
“Kung hindi mo alam kung sino ka, paano mo maipagmamalaki ang sarili mo?” (quote from Bob Ong , Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino.)
Ang pagbabaliktad ng salita sa aking pagkakatanto, ay nauso noong 1970’s, nang sumikat ang Hippie culture. Dito sumabog ang mga mapagrebeldeng ideya. Tulad nang pagpapahaba ng buhok ng mga lalaki. Pati babae, nagpapahaba rin ng buhok – sa kili-kili. Nagrerebelde sila kaya ayaw din nilang maligo. Hindi po ako nakisali doon. Siguro dahil sa pagrerebelde, kaya pati salita ay iniiba nila. O kaya nama’y gusto lang nilang gawing mas makulay ang ating wika.
Noong panahon ding iyon nauso pati mga kantang may salitang pabaliktad. Pumatok noon ang kanta ni Mike Hanopol na “Laki sa Layaw, Jeproks.” Ang Jeproks po ay baliktad ng salitang project. May kanta rin si Sampaguita na pinasikat noon, ito ay ang “Nosi Balasi” na ang ibig sabihin ay ‘sino ba sila.’
Mga ilang dekada ang lumipas, pero may mga baliktad pa rin mga pananalita. Noong 1990’s ang Eraserheads naman ay naglabas ng kantang Bogchi Hokbu – na baliktad ng Chibug Buhok. Ito po ang sample ng kanta, tignan ko kung masasakyan ninyo:
Wanga tenants ng reksli,
Toing takans na toyi,
Napha oyats ng nengmi,
Nananakirima,
Bangbangbangalalala,
Tastastasbobona,
Bogchi Hokbu.
Pero hindi po henerasyon ng mga Hippie ang pasimuno ng pagbabaliktad ng salita. Kasi, panahon pa ng Kastila ay binabaliktad na ng mga Pilipino ang salita o pangalan. Hindi kayo maniwala? Siguro naman ay kilala ninyo ang isa sa ating bayani na si Marcelo Del Pilar. Ang kanyang ginamit na pen name ay Plaridel, na galing sa Del Pilar. Petmalu si Del Pilar ano po?
Maliban sa mga salitang baliktad, meron ding mga salita sa bokabularyo ni Mayor Isko Moreno na pamilyar sa akin dahil naging bahagi rin ito ng aking wika noon at kahit hanggang ngayon. Isa rito ay ang salitang ‘tolongges.’ Nasaan na kaya ngayon ang mga tolongges kong kabarkada noon? Kung inyong aalamin, noong 1981, ay may isang pelikula si George Javier na ang pamagat ay “A Man Called Tolongges.”
Pero meron din namang mga kataga is Yorme na ngayon ko lang narinig. Ngayon ko lang nakilala is ‘Eddie’ at si ‘Patty.’ Pero ang mga ‘Spiderman,’ dati ko na silang kilala. Sa katunayan tatlong tiyuhin ko noon ay mga lineman ng Meralco, kaya galit sila sa mga Spiderman.
Hanggang dito na lang po muli. Lodi ko si Yorme, at bilib pa rin ako sa ating wika, talagang astig pa rin ito. Sana more werpa sa atin na nagsasalita ng wikang Pilipino. Mabuhay! O haymabu?
(*inilathala para sa Buwan ng Wika)
Ibig sabihin na “purist” ang paggamit ng “dine” sa halip na “dito” o “rine” sa halip na “rito” o “ire” imbes na “ito”. Iyon ang Bulakenyo na narinig ko sa Bulacan…at araw araw sa bahay.
Very interesting article. I’ll check it out more thoroughly while on vacation (next week…sa wakas)
Salamat sa pagdaan. Enjoy your vacation!
Salamat!!!