Noong nakaraang araw ay aking nabasa mula sa isang blogger, na pinagaganda ang Rizal Park, o mas kilalang Luneta sa akin. Ito’y para sa selebrasyon ng ika-150 kaarawan ni Gat Jose Rizal sa darating na Hunyo, 2011. (Totoong matanda na si Rizal, subali’t ang kanyang mga pananaw ay naaangkop pa rin sa panahon.)
Kasama sa mga proyekto ay ang pag-lalagay ng boardwalk sa malaking mapa ng Pilipinas na naroon, at pag-bubukas muli ng mas pinabuting dancing fountain. Salamat naman, sapagka’t matagal-tagal na rin nakatiwangwang at napag-iwanan na ng pag-unlad ang Luneta.
Ipinakita rin ng blogger na ito ang mga larawan ng Rizal Park, noon at ngayon. Biglang bumaha sa aking isipan ang mga ala-ala ko sa lugar na ito………

(image from here)
Ang Luneta ay hindi lamang isang pambansang likasan na madalas naming pasyalan noon. May mas malalim pa itong kahulugan para sa akin. Oo nga’t dito nagbuwis at nawalan ng buhay ang ating mahal na bayani, ngunit dito rin nagmula ang aming ikinabuhay.
Ang aking ama ay CPA at siya ay naging empleyado ng National Parks Development Committee (NPDC). Ang NPDC ang namamahala sa pagpapatakbo ng Rizal Park, at ang kanilang opisina ay naroon mismo sa Luneta, sa tabi ng Tourism building. Dito siya naglingkod ng mahigit dalawampung taon bilang chief accountant, at nang malaon ay chief financial officer, hanggang sa kanyang biglaang pagpanaw. Ang trabaho ng aking ama sa Rizal Park ang nagpakain, nagpalaki, at nagpa-aral sa amin.
Madalas kaming lumalagi sa Luneta para dalawin ang aking tatay at para na rin mamasyal. Bago pa lamang ako magsalita ay kilala ko na ang Luneta. Sabi ng aking nanay, kapag nakikita ko na ang mga landmarks nito ay sisigaw na ako ng “Uneta na, Uneta na!” (Luneta, at hindi puneta ang aking sinisigaw.) Maraming oras din ang aking iginugol sa playground doon – tumatakbo, nagswi-swing, nag-papadulas sa mataas na slides, at umaakyat sa malaking sapatos, sa malaking hippopotamus at kung saan-saan pa. Kahit noong high school na ako ay pumupunta pa rin ako dito, hindi para mag-seesaw o mag-swing, kundi para sumakay sa bumpcars at maglaro ng space invaders sa kanilang arcade.
Malimit din kaming namamasyal sa may breakwater sa likod ng Quirino Grandstand. Dito kami lumalanghap ng sariwang hangin ng Manila Bay (o sariwang usok ng mga bapor?) at naglalaro doon habang kumakain ng Magnolia popsicles o pinipig crunch. Maraming beses din kaming inaabutan ng takipsilim doon, upang saksihan ang kahanga-hangang Manila Bay sunset.
Doon din sa isang swing malapit sa grandstand kung saan ko tinangkang lumipad. Habang tinutulak ako sa swing ng aking tatay, ay bigla akong bumitaw at tumalon mula sa duyan. Oo nga at panandalian akong pumailanglang, ngunit mabilis din akong lumagapak sa lupa at sumubsob ang mukha. Nabiyak ang aking puso sa lungkot dahil hindi naging tagumpay ang aking paglipad. Nabiyak din ang aking nguso, at ako’y itinakbo sa clinic doon sa Rizal Park para tahiin ang aking nakangangang sugat. Kaya dumanak din ang aking dugo doon sa Bagumbayan – gapatak nga lang at hindi tulad ng ating bayani.
Madalas din kaming tumambay sa dancing fountain, sa Japanese garden, sa Chinese garden, sa open air amphitheater at nakinig sa libreng “Concert at the Park”. Naalala ko nang ako’y maliit pa, ay sinasama ako ng aking tatay ng madaling araw upang mag-jogging sa palibot-libot doon sa park, bago pa sumikat ang araw. Nakikita ko rin ang mga nagta-tai-chi at nag-e-eskrima doon, pero hindi kami nakisali sa kanila. Kahit pa hapong-hapo at halos tumirik ang aking mata sa pagod, ay isa ito sa masasayang alaala ko.
Mga ilang beses din kaming nag-skating ng aking mga kapatid sa skating rink na nasa water globe doon sa Rizal Park. Maraming mahuhusay na skaters doon (hindi ako kasama dun). Maraming beses din akong nabuwal at sumemplang sa lugar na iyon, kung saan hindi lang tuhod ang nagasgas, kundi ang aking yabang at dangal.

(image from here)
At siyempre pa, madalas din naming binibista ang monumento ni Rizal, na naging paboritong kong bayani. Nakakaaliw na saksihan ang pagmamarcha ng mga sundalong bantay, lalo na pag-nagpapalit na ng guwardiya. Minsan, noong ako’y nasa high school, ay tumayo at pumarada kami sa harap ng rebulto ni Rizal, habang naka-fatigue uniform bilang CAT (Citizen Army Training), upang magbigay galang. Dito rin sa harap ng monumentong ito, kung saan ipinamulat sa akin ng aking mga magulang ang kagitingan ng ating pambansang bayani.
Noong kami’y nag-aaral pa (sa Pasay ako nag-elementarya at highschool), ay halos araw-araw kaming nasa Rizal Park. Dinadaanan namin ang aming tatay sa kaniyang opisina, at sabay-sabay na kaming uuwi sa aming bahay sa Sampaloc, mula roon. Ngunit nang namatay na aking ama ay naging madalang na ang aming pagpunta sa Luneta.
Mga ilang buwan pagkamatay ng aking ama, ako’y nasa unang taon ng medical school noon, nang sa aming kalungkutan ay humiling ang aking ina na dalhin ko siya sa breakwater sa likod ng Grandstand sa Luneta. Doon kami ay tumanaw ng malayo sa malawak na dagat. Ngunit mga ligalig na alon at makulimlim na langit lang ang aming nakita, dahil hindi namin matanaw kung ano ang bukas na naghihintay sa amin.
Dumaan pa ang mga taon, nang ako ay makatapos na, pumasyal muli ako sa Rizal Park kasama ng aking girlfriend (na ngayon ay misis ko na). Ika nga ni Rico J. Puno: “namamasyal pa sa Luneta, na walang pera.” Dito, isang dapit-hapon kami ay nangarap, habang nakatunghay sa lumulubog na araw, at sa mga lumulutang na basura ng Manila Bay. Pinaglayag namin ang aming mga panaginip sa buhay, patungo sa kabilang ibayo ng dagat, kung saan nagtatanan at nagtatago ang liwanag.
*******
Noong 2008, pagkalipas ng mahabang panahon at paninirahan sa kanluran, ay muli akong nakabalik sa lupang sinilangan. Isa sa lugar na aking muling dinalaw ay ang Rizal Park. Kasama ng aking asawa at mga anak, pati ng aking nanay at mga kapatid, ay muli kaming nagliwaliw sa lugar na napamahal sa amin.
Pinasok namin ang bagong tayong Manila Ocean Park doon sa likod ng Quirino grandstand. Tunay naman na maganda at hindi pahuhuli ang aquarium na ito sa mga aquarium sa ibang bansa. Sumakay din kami sa kalesa ng aking mga anak upang libutin ang Luneta, na talaga namang ikinasiya nila. Naging masaya rin ‘yung kutsero, matapos kung iabot ang aming bayad.
Wala na pala ‘yung water globe at skating rink, kundi ay rebulto na ni Lapu-lapu ang nakatirik doon. Wala na rin ang malaking relo na halaman (Rado flower clock). Tuyo at sira-sira na ang malaking mapa ng Pilipinas. Hindi na sumasayaw ang dancing fountain. Ang kalabaw at si Rizal na lang yata ang hindi nagbabago at hindi umaalis sa Luneta.
(photo from internet)
Mataimtim kong linapitan ang monumento ng aking bayani. Kahit wala nang mga sundalong nagbabantay dito, ay nanatili pa rin itong nakatindig, nagmamasid sa mundong paligid. Muli akong nagbigay galang…….. at mapakumbabang ibinulong sa kanya, kung bakit ko siya nilisan.
(*An English version of this article was published in Manila Standard Today)
Kay tamis ng mga alaala ng mga panahong nagdaan… 🙂 Salamat sa pagbuhay muli, kahit sa isipan lamang, kung ano ang lugar na ito noong araw. 🙂
I have seen several photos of the old luneta,It was more beautiful than today..Its always good to reminisce and look back..your piece is nostalgic..nice post..
I am interested though to see all of today’s renovations and upgrades in Luneta. I’ll visit it again…..someday. Thank you for visiting and sharing your thoughts.
Ako’y nasa unang baitang sa mababang paaralan ng una kong marating ang Luneta, Kasama ko ang aking ina, kuya at tia, maraming tao noon dahil parada daw ng mga artista. Natatandaan ko ang rebulto ng kalabaw sa Luneta, doon yata kami nagpakuha ng litrato. Ang isang hindi ko malilimutan e noong makita ko iyung palaroan na Chinese Garden daw iyon. Gusto ko sanang mag laro at sumuot din sa bunganga ng hippopotamus, mag pa daus-dos sa padaosdusan at makisaya sa mga batang nag lalaro, pero ang sabi sa akin ng aking ina at tia e mahal daw ang bayad pag ako’y nag nanais pumasok sa palaroan, kaya nanahimik na lamang ako, tumanaw na laang at sumunod kung saan man nila gustong mag punta. Matagal uling panahon bago ko natanaw na muli ang Luneta. Narinig ko na lang ang tungkol sa Luneta sa kanta ni Rico J.P. Nasa high school na ako ng muli ay ipinasyal kami ng nakakatanda naming kapatid sa Luneta at Fort Santiago. Ah magandang ala ala ng kabataan, Salamat sa pag sariwa mo sa araw ng kabataan. God is really good that eventhough we do not know what lies ahead, His eyes is upon His children at nakatapos din tayo ng pag aaral. He really got the whole world in His hands.
Pagbalik mo sa Luneta, hayaan mong magpadausdos sa slide at umakyat sa hippopotamus ang iyong anak doon sa palaruan….o kaya’y samahan mo pa siyang umakyat at magpadausdos. Kung hindi man natin nagawa noong tayo’y bata, pwede pa rin gawin kahit hindi na tayo bata 🙂
Who can forget “Luneta?” It’s part of being a Filipino. I saw a glimpse of it on my two day stay in Manila. Just looking at it brings wonderful memories. The new generation hopefully will find the same passion as we did now that Malls and endless recreational facilities have sprouted all over the city. It feels good to read your post. It feels like being home…
Seeing Luneta again really evokes a lot of memories. However for me, seeing Rizal standing in his monument also evokes a twinge of guilt. A guilt of leaving him. Maybe it’s just me.
hala, dok PT, naibigan ko ito… ito yata ang isa sa pinakamatapat sa iyong mga naisulat, sa paningin ko… ^^
halos dalawang buwan ang nakakaraan, ako ay nagawi rin sa may Luneta at nasaksihan ko rin ang bagong dancing fountains. sayang at wala akong dalang camera noon, mas maigi sana kung nai-video. pagkauwi, tila gusto ko ring magsulat ukol sa Luneta at sa kahalagahan ng mga parke sa buhay ng mga tao sa lungsod. di ko pa nagagawa hanggang sa ngayon, hihi, pero sana, sa isang araw…^^
ayon, CPA pala ang iyong Tatay, ang tatay mong nagturo sa iyong tumakbo bago pumutok ang araw, nakakatuwa… siguro, kaya ko naibigan itong katha, dahil napakagaan ng treatment sa pag-ibig at pakikihamok sa buhay (pag-iibigan ng iyong tatay at nanay at maging ninyo ng iyong misis). kumbaga, ang Lunetang naging saksi ng mga maliliit at masasayang sandali at maging ng malalaki ngunit noo’y patago at hinahabi pa lamang na mga pangarap. ^^
paalalahanan mo ako, kapatid – isang araw ay gagawa rin ako ng post ukol sa parke. howdy and cheers! 😉
I will agree with you, this piece contains my truest and deepest sentiments.
Hello! I hope I can send you a private message regarding this post! Salamat po!
Thanks for visiting. email: ameriquez@yahoo.com