Mga Salaysaying Pilipino

Posted by

Noong nakaraang isang araw ay humiling sa akin ng mga kuwento ang aking mga anak. Sinalaysay ko sa kanila ang kuwento ni Juan Tamad at ang bayabas. Inistorya ko rin sa kanila ang pabula ng “Matsing at Pagong” na isinulat ni Jose Rizal. Akala ninyo ba ay mga seryosong nobela lang, gaya ng “Noli Me Tangere” o “El Filibusterismo,” ang linikha ni Rizal?

Nang humingi pa sila ng mga dagdag na kuwento, ay inilahad ko rin ang mga istorya na sinalaysay sa akin ng aking tatay at nanay. Isa sa aking paborito ay isang kuwento ng aking tatay. Hindi ko alam kung saan galing ang orihinal na kuwento nito, pero ito ang bersiyon na natatandaan ko………

Isang araw, isang lalaking maganda ang bihis na galing Maynila, ang napasyal sa isang malayong probinsiya. Siya ay sumakay sa isang maliit na bangka upang tumawid sa umaagos na ilog, upang makarating sa barrio na nasa kabilang ibayo.

Habang tumatawid ang bangka, ay kinausap ng mama ang bangkero na medyo may katandaan na. “Amang, natuto ka ba ng matematika, tulad ng Algebra at Calculus?” tanong ng mama.

“Eh hanggang Grade 1 lang po ang inabot ko,” ang mapakumbabang pahayag ng bangkero.

“Ah, nawalan ka ng sang-apat (1/4) ng iyong buhay,” ang mapagmalaking sagot ng lalaki.

“Amang, natutunan mo ba ang Mga Kasaysayan ng Mundo (World History)?” ang muling tanong ng mama.

“Eh mga kuwento lang po ng aking mga ninuno ang aking alam,” ang muling sagot ng matanda.

“Ah, sang-apat muli ang nawala sa iyong buhay,” ika ng mayabang na mama.

Habang nagpapalaot na ang bangka sa ilog ay muling nagtanong ang lalaki, “Amang, natuto ka ba ng siyensiya, tulad ng Biology at Chemistry?”

“Ay hindi po, mga turo lang po ng aking tatay at nanay ang aking natutunan,” ang tugon ng bangkero, habang pilit nitong maneobrahin ang bangka laban sa malakas na agos ng ilog.

“Kawawa ka naman amang, sang-apat na naman ulit ang nawala sa iyong buhay,” ang sabi ng hambog na lalaki.

Nang nasa kalagitnaan na sila ng ilog, ay biglang humagupit ang malalakas na alon sa maliit na bangka, at ito’y pagkarakarakang tumaob. Tumambog sa tubig ang lalaki at ang bangkero, at sila’y napahiwalay na tinangay ng marahas na agos.

“Amang, natuto ka bang lumangoy ?” ang sigaw ng bangkero sa lalaki, habang sila ay inaanod at hinahampas ng mabilis na agos ng ilog.

“Hindi….. hindi po!”, ang naghihikahos na sagot ng lalaki, habang ito ay lumulubog na sa tubig.

“Buong buhay mo ang mawawala,” ang malagim na pahayag ng bangkero, habang ito’y lumangoy na papalayo patungong pampang.

Ano ang moral ng istorya? Huwag sumakay sa bangka kung Calculus at Chemistry lang ang alam mo. Parang hindi yata tama?

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s