Bahala na si Batman

Kumakaway-kaway ang bagong nakalambiting pahinang papel sa dingding, nagpapahiwatig na pumasok na naman tayo sa isang panibagong yugto.

Bagong kalendaryo. Bagong taon. Lumang pananaw?

Tunay na ang panahon na ginagalawan natin ngayon ay walang katiyakan. Kasing linaw ng tubig-kanal ang ating kinabukasan. Halos gumapang na parang pagong ang ekonomiya, kahit anumang bansa ang pag-usapan, kahit na sa Amerika. Naghihirap na parang daga ang maraming mamayan sa iba’t-ibang lupalop ng mundo. Walang gobyerno ang ligtas sa gulo at eskandalo. Walang sinisinong pamilya ang mga problema at kahirapan, kahit pa Dimaano o Dimagiba ang apelyido nila. Walang tao sa kasalukuyan, ang hindi apektado ng walang-kasiguraduhang bukas.

Sa kabila ng lahat ng ito, sino nga ba ang nakakaalam kung ano ang ihahatid ng bukas? Kahit pa mga manghuhula sa Quiapo, ay hindi nakatitiyak. At mayroon nga ba tayong magagawa tungkol dito? Mabuti pa kayang maghalukipkip na lamang at magpawalang bahala, at tanggapin na lamang ang anumang barahang iaabot sa atin ng tadhana. Kaya?

Bahala na.

Iyan ang katagang kinamulatan nating mga Pilipino. Ito rin ang pilosopiyang nakaukit na sa ating kulturang kinagisnan. Bahala na. Bahala na si Batman!

Pero kung susuriin, ang katagang “bahala na” ay nagmula  sa “Bathala na,” kung saan ang isang tao ay ipinauubaya na sa Maykapal ang kaniyang kapalaran. Maaring maganda naman ang saloobing ito, dahil ito’y nagpapakita ng pagtitiwala sa nakatataas na kapangyarihan. Ngunit ang masama, ay maraming mga tao ang ipinauubaya na ang lahat lahat, at hindi na nagsusumikap na ibangon o ibahin ang “kapalaran” na hatid sa kanila ng pagkakataon. Suwerte kung suwerte, malas kung malas, parang Sweepstakes.

Ika nga ng sinalumang kanta ni Rico J. Puno: “Kapalaran kung hanapin, ‘di matagpuan, at kung minsa’y lumalapit ng ‘di mo alam.” Kaya ba walang nang saysay ang habulin ang ating kapalaran dahil hindi mo rin naman ito maabutan? Sadya bang ang lahat ay nakasalalay sa “Gulong ng Palad” na parang lumang tele-serye?

Hindi ba nga’t si Juan Tamad, isa sa mga kinagigiliwang kwentong Pilipino, ay humilata na lang sa ilalim ng puno at nakangangang naghihintay na malaglag ang bayabas? Naghihintay na ang biyaya o suwerte, na mahulog na lang sa ating kandungan. Ito nga ba ang kagawiang Pinoy? Maging sa ating kanta, tele-nobela, o tradisyonal na salaysayin – bahala na.

Bahala na lang ba talaga?

Mawalang galang na lamang po, ngunit hindi ako sang-ayon sa pananaw na ito. Hindi rin ako naniniwala na wala tayong magagawa para sa ating kinabukasan, o kaya’y ibahin ang barahang tangan natin sa ating palad. Oo nga’t may mga bagay na lagpas sa ating mga kamay, at si Bathala (hindi si Batman) lamang ang may kontrol nito. Sang-ayon ako na mahalaga ang pagtitiwala sa nakatataas na kapangyarihan. Ngunit maraming mga bagay ay nasasa-ating palad, at ang magiging kahihinatnan nito’y bunga ng ating pagsisikap, at hindi lamang sanhi sa guhit ng kapalaran.

Kaya sa bagong taong ito, sana ay mayroon din tayong bagong pananaw sa buhay. Bagong pakikipagbaka. Bagong pagsisikap. Bagong pag-asa.

Bangon na aking kaibigan, ang bukas ay naghihintay sa iyo. Ang “suwerte” ay nasa pawis mo.

Mga Salaysaying Pilipino

Noong nakaraang isang araw ay humiling sa akin ng mga kuwento ang aking mga anak. Sinalaysay ko sa kanila ang kuwento ni Juan Tamad at ang bayabas. Inistorya ko rin sa kanila ang pabula ng “Matsing at Pagong” na isinulat ni Jose Rizal. Akala ninyo ba ay mga seryosong nobela lang, gaya ng “Noli Me Tangere” o “El Filibusterismo,” ang linikha ni Rizal?

Nang humingi pa sila ng mga dagdag na kuwento, ay inilahad ko rin ang mga istorya na sinalaysay sa akin ng aking tatay at nanay. Isa sa aking paborito ay isang kuwento ng aking tatay. Hindi ko alam kung saan galing ang orihinal na kuwento nito, pero ito ang bersiyon na natatandaan ko………

Isang araw, isang lalaking maganda ang bihis na galing Maynila, ang napasyal sa isang malayong probinsiya. Siya ay sumakay sa isang maliit na bangka upang tumawid sa umaagos na ilog, upang makarating sa barrio na nasa kabilang ibayo.

Habang tumatawid ang bangka, ay kinausap ng mama ang bangkero na medyo may katandaan na. “Amang, natuto ka ba ng matematika, tulad ng Algebra at Calculus?” tanong ng mama.

“Eh hanggang Grade 1 lang po ang inabot ko,” ang mapakumbabang pahayag ng bangkero.

“Ah, nawalan ka ng sang-apat (1/4) ng iyong buhay,” ang mapagmalaking sagot ng lalaki.

“Amang, natutunan mo ba ang Mga Kasaysayan ng Mundo (World History)?” ang muling tanong ng mama.

“Eh mga kuwento lang po ng aking mga ninuno ang aking alam,” ang muling sagot ng matanda.

“Ah, sang-apat muli ang nawala sa iyong buhay,” ika ng mayabang na mama.

Habang nagpapalaot na ang bangka sa ilog ay muling nagtanong ang lalaki, “Amang, natuto ka ba ng siyensiya, tulad ng Biology at Chemistry?”

“Ay hindi po, mga turo lang po ng aking tatay at nanay ang aking natutunan,” ang tugon ng bangkero, habang pilit nitong maneobrahin ang bangka laban sa malakas na agos ng ilog.

“Kawawa ka naman amang, sang-apat na naman ulit ang nawala sa iyong buhay,” ang sabi ng hambog na lalaki.

Nang nasa kalagitnaan na sila ng ilog, ay biglang humagupit ang malalakas na alon sa maliit na bangka, at ito’y pagkarakarakang tumaob. Tumambog sa tubig ang lalaki at ang bangkero, at sila’y napahiwalay na tinangay ng marahas na agos.

“Amang, natuto ka bang lumangoy ?” ang sigaw ng bangkero sa lalaki, habang sila ay inaanod at hinahampas ng mabilis na agos ng ilog.

“Hindi….. hindi po!”, ang naghihikahos na sagot ng lalaki, habang ito ay lumulubog na sa tubig.

“Buong buhay mo ang mawawala,” ang malagim na pahayag ng bangkero, habang ito’y lumangoy na papalayo patungong pampang.

Ano ang moral ng istorya? Huwag sumakay sa bangka kung Calculus at Chemistry lang ang alam mo. Parang hindi yata tama?