Nasa’n na, mga parol na kay ganda?
At mga batang paslit na kumakanta,
Kinukumpas punkos na tansan na dala,
Habang hinahampas tambol na lata?

Nasa’n na, o nasaan na?
Kalembang ng maagang misa,
Puto-bumbong sa may kalsada,
At bagong lutong mga bibingka?

Nasa’n na, ingay ng barkada?
O ngiti ni lolo at ni lola,
Ang halakhak ni ate at ni kuya,
At yakap ng aking ama’t ina?

Nasa’n na, o nasa’n ka na?
Paskong kinamulatan at nakilala,
Nasasabik at hinahanap ka,
Ginugunita na lang, ‘pagkat ‘di makita.

(*image of carolers from here, puto bumbong from here, “mano po” from here, Pinoy Christmas from here)