Isang Lata, Dalawang Patpat, at Tingga

Pasko na naman! O kay tulin ng araw.

Nasasabik na ang lahat, lalo na ang mga bata na makatanggap ng kanilang pamasko. Kaya naman marami sa maiinit na bagay sa listahan ng mga Christmas shoppers, ay mga laruang pambata – tulad ng LEGO, Star Wars Lightsaber, Transformers, Xbox Kinect, Nintendo 3DS, Barbie at American Girl dolls. Ang problema lang sa mga laruang pambata ngayon, ay may kamahalan ang mga ito, at maaring maghalaga ng ilang linggo o ilang buwang suweldo. Kaya naman natutuliro ang mga magulang, at nagtatago na lang ang mga ninong at ninang.

Ngunit kung ako ang tatanungin, ang mga pinakamasayang alaala kong laro nuong ako’y batang musmos, ay hindi nangangailangan ng mamahaling laruan. Lata, o piraso ng patpat na kahoy, o kaya nama’y tingga lamang – ay walang humpay na saya na ang dulot nito.

Unang laro na hilig ko ay ang patintero. Kailangan lang namin noon ay basyong lata. Huh? Teka, teka…….. Marahil ang tanong mo ay baka naman tumbang preso ang ibig kong sabihin. Makinig ka muna sa akin…….

Ang kalye sa harap ng aming bahay ay espalto, kaya wala itong guhit. Wala rin naman kaming tisa (chalk) na pang-guhit. Kaya patak ng tubig ang aming ipinang-guguhit sa kalsada. Dito namin kinakailangan ang lata: pang-salok ng tubig sa tabing kanal upang gumawa ng mga linya. “Kadiri to death!” Pero sa mga walang muwang at sabik na maglaro ng patintero, walang anuman sa amin iyon.

Naging magaling at “hustler” din ako sa larong patintero. Natutunan ko lahat ng mga “strategy” (o s’tragedy?) sa pag-harang at pag-kulong sa mga kalaban kapag kami ang taya, at naging maliksi naman kapag kami na ang sumusulong. Paborito kong puwesto ay ang patotot dahil malayo ang tinatakbo nito. Kahit noong ako’y nag-aaral na ay nilalaro din namin ito sa aming eskwela. Katunayan pa nga ay naging palaro pa ito sa aming “sports fest” minsan. Pero hindi na tubig-kanal ang aming ginamit na pang-guhit!

patintero

Isa pang laro na gumagamit ng lata ay ang walang kamatayang tumbang preso. Dito ay kailangan din ng mga tsinelas na pambalibag sa lata upang patumbahin ito. Hindi ko masyadong gusto ang larong ito dahil madaling maburo ang taya na tulad ko. Talagang parang preso! Dapat ay medyo pitpit ‘yung lata, para hindi ito madaling tumumba, at kahit pa gumulong-gulong kapag binato ng tsinelas, ay tatayo pa rin ito. Hindi ko rin gustong kalaro ang mga batang babae na naka-bakya. Bakit kamo? Ikaw kaya ang tamaan ng pinukol na bakya?

Kung wala naman kaming lata, ay kukuha lang kami ng dalawang patpat na kahoy. Ang isa ay maiksi, at ang pangalawa ay mahaba-haba. Maraming oras na katuwaan na ang dulot nito sa pag-lalalaro ng shato. Dito ay pinapapilantik namin o kaya naman ay hinahagupit ang patpat, habang ang taya ay tinatangkang saluhin ito. Naging mahusay din naman ako sa paglalaro nito, at sa awa naman ng diyos ng shato, ay hindi rin naman ako nahambalos o nahagip sa mukha ng lumilipad na patpat. At kahit matalo man kami sa larong ito, ay nakakaaliw naman ang tumakbo tangan-tangan ang patpat, habang sumisigaw ng “shaaaaaaaaaaaaato!”

Ngunit isa sa pinakapaborito kong laro noong ako’y bata, ay sipa. Tingga (pwede ring tansan) lang ang kailangan, tapos lalagyan ng balat ng kendi o supot ng kornik, ay sangkatutak na ang ligaya, sa paglalaro ng sipa. Hindi tulad ng patintero, tumbang preso, o ng shato, ang sipa ay maaaring laruin na mag-isa kahit walang kasama. Siyempre, mas masaya pa rin kung may kalaro, huwag lang magkakapikunan.

Hindi naman sa pagmamayabang (pero ganun na rin ‘yun!) ay naging eksperto ako sa larong ito, at isa sa mga kinatatakutang kalaban sa sipa sa aming munting paaralan. One to hundred? Walang problema. Black-magic (ito ay pagsipa na pinapa-ekis ang paa)? Kayang-kaya, maging kanan o kaliwang paa pa. Dahil din sa paglalaro ng sipa, ay maraming rubber shoes ang aking nasira at pinudpod. Minsan nga, dahil sa bilis bumigay ng aking mga sapatos, ang sabi ng tatay ko, ang ipasusuot na raw niya sa akin ay bakal na sapatos. Ano ako, kabayo? Oo, kabayitong magaling sumipa!

sipa

Kaya huwag nang mamoblema kung walang pambili ng mga mamahaling laruan para sa inyong mga anak o inaanak, ngayong Pasko. Ang mahalaga ay ang malaman at maramdaman nila, na atin silang minamahal, hindi batay sa halaga ng ating bigay na regalo. At kung walang-wala naman talaga, wala kahit pang-Noche Buena – magbukas na lang ng sardinas, at ang lata ay gamitin sa pakikipaglaro sa inyong mga anak. Isali ang buong pamilya, pati ang mga gurang. Garantisado, matutuwa sila at hindi nila ito malilimutan.

(*image of patintero from here; image of sipa from here)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

w

Connecting to %s